LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Commission Elections (COMELEC) Daraga, Albay na mayroon nang mga nagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa kanilang bayan mula sa mga tumakbong kandidato noong nakaraang eleksyon sa barangay at Sangguniang Kabataan.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay COMELEC Daraga Election Supervisor Anddy Toledo sinabi niya na nasa mahigit 2,000 na mga kandidato ang tumakbo at ngayon ay unti-unting nagsisipasahan ng kani-kanilang mga SOCE.
Subalit ayon kay Toledo, matumal pa ito sa ngayon dahil ang iba ay umano’y nahihirapan sa paggawa nito.
Bago rin kasi nila ito i-file, kinakailangan pa nilang mag-request upang i-check at tiyakin na tama ang kanilang isinusumite.
Aniya, karamihan sa mga nauna nang magsumite ng SOCE ay ang mga nanalong opisyal sa barangay at SK.
Sa ngayon, maghihintay pa sila hanggang Nobyembre 29 at umaasa silang marami at kompleto silang makakapag-file ng SOCE.
Samantala, binigyang-diin naman ni Toledo na mahalaga ang pagsusumite ng SOCE dahil kailangan ito sa pag-assume nila ng kanilang posisyon.