CAMARINES NORTE- Tulad ng inaasahan kakaunti ang mga nagtungo sa opisina ng Commission on Elections para magparehistro sa unang araw ng Voters Registration nitong Lunes, December 12.
Sa bayan ng Basud lima lang ang nagparehistro na karamihan ay transfer mula sa ibang bayan at correction of entry.
Kaugnay nito ay hinimok ni Election Officer III Annelyn Abanes, miyembro ng Comelec Speaker’s Bureau sa probinsiya ang mga hindi pa rehistrado na lumabas at magparehistro at huwag nang maghintay ng deadline na Enero 31.
Aniya, mahalaga na mayroong “say” ang bawat isa sa kung anong mangyayari sa kanilang barangay pagdating ng eleksyon.
Ang paglahok sa halalan sa pamamagitan ng boto ang magsisilbi umanong boses ng mga namamarangay para palitan o panatilihin ang kanilang mga lider.
Magkakaroon lang umano ng boses kung gagawin ang pinaka unang obligasyon na magparehistro para ma- exercise ang karapatang bomoto.
Nakahanda rin umano ang Comelec na magsagawa ng satellite registration sa mga barangay kung kakailanganin.
Batay sa panuntunan kailangang hindi bababa sa 200 magpaparehistro para makapagsagawa ng voters registration sa barangay.
Gayunman kahit mababa pa dito o kahit limampu lang ay pwede na rin daw mag satellite registration.
Malaking tulong umano ito para hindi na gumastos ang mga nasa barangay sa pagpunta sa Comelec.
Samantala, sa bayan naman ng Mercedes ay nasa 20 lang ang nagparehistro.
