NAGA CITY – Dumarami ang mga menor de edad na nagmamaneho ng e-trike at e-bike sa Naga City, kung saan ang ilan sa mga ito ay pumi-pick up pa ng pasahero na siya namang ikinagagalit ng mga driver ng mga lehitimong pampublikong sasakyan tulad ng tricycle at jeepney.
Karaniwang makikitang namamasada sa malalayo at upper barangay ng lungsod, batay na rin sa reklamong nakarating sa opisina ni Barangay Kagawad Gil Belen, Federation President ng Federation of Trimobile Operators Drivers Association o FETODA.
Sa pakikipag-usap naman ng Brigada News FM Naga kay Belen, sinabi niyang mali na magmaneho ang minor ng mga sasakyang ito, lalo pa at walang lisensiya subalit kumikita na rin dahil sa nakikipag-agawan rin ang iba sa mga ito ng pasahero na sana ay dapat kanila, na mga lehitimong driver na kompleto sa papeles.
Nanganganib pa rin aniya sa disgrasya ang mga minor na mabilis na ring magpatakbo ng kanilang minamanehong e-bike o e-trike, kaya plano niya itong idulog sa komitiba ng transportasyon sa konseho.