NAGA CITY –Nababahala ngayon ang mga lokal na pamahalan sa Camarines Sur sa posibleng pagkalat na naman ng African Swine Fever kung hindi maaagapan ang mga baboy na kontaminado na ng naturang virus.
Ito ay matapos na may ilang baboy sa bayan ng Ragay ang nagpositibo na at na depopulate na bukod pa sa ilang mga under examination pa ng Department of Agriculture.
Kaugnay nito ang LGU-San Fernando ang naglabas na rin ng paalala sa pamamagitan ng Municipal Agriculturist Officer na si Allan Salvador sa lahat ng mga nag-aalaga ng baboy sa kanilang bayan.
Sa pakikipag-ugnayan ng Brigada News FM Naga kay Salvador, sinabi nito na nakausap niya na ang mga nagtitinda ng karneng baboy sa lugar nila at inabisuhan niya ang mga ito na huwag bumili ng buhay na baboy mula sa mga karatig-bayan.
Layunin nito ay upang matiyak na walang virus ng ASF na makakapasok sa kanila at makahawa sa mga alaga nilang mga baboy.
Bagama’t wala namang malalaking piggery, marami aniya ang may backyard hog raisers subalit maraming baboy ang maaapektuhan.
Ang San Fernando ay una na ring nakapag depopulate ng mahigit isang libong baboy noong kasagsagan ng ASF at ang lahat ng mga ito ay nabayaran na rin ng DA.