SORSOGON CITY – Maganda ang pagtanggap sa kabuuan ng mga biyaherong gumagamit ng pasilidad ng Matnog Port sa implementasyon ng bagong One Stop Shop sa nasabing pantalan. Pahayag ito ng Philippine Ports Authority (PPA)-Matnog base na rin umano sa kanilang informal survey.
Sa kasalukuyan bagong proseso ang pinaiiral kung saan inilagay sa isang strategic point ang hub, may tatlong kilometro ang layo mula sa pantalan.
Sa bagong panuntunan, kailangang magbayad muna sa shipping company, isusunod naman ang Roll On, Roll Off (RORO) terminal fee.
Sa mga pribadong pasahero, kailangang ayusin ang passenger fee ticket saka isusunod ang Local Government Unit (LGU) fee. Panghuli naman ang clearance mula sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ang kabuuang transaksyon ay hindi umano lalagpas sa 15 minuto kung saan sa ganitong paraan ay maliit ang tyansa na may mga fixers ang makakasingit.
