CAMARINES NORTE- Maagang puwesto ang mga magtitinda ng palaspas sa paligid ng St. John the Baptist Church dito sa bayan ng Daet, Camarines Norte sa bisperas ng Palm Sunday
Isa na dito si Magie 39, na nagmula pa sa lalawigan ng Quezon na nagtungo dito sa bayan ng Daet para lang magtinda ng palaspas.
Aniya, taon-taon talaga silang nagtitinda ng palaspas sa labas ng St. John the Baptist Church at natigil lang noong magkaroon ng lockdown dahil sa COVID-19.
Ayos lang umano sa kanila na dumayo kahit malayo basta kumita. Sa dami daw kasi ng nagtitinda sa kanilang lugar ay wala na silang kikitain.
Pagkatapos ng Linggo ng Palaspas ay uuwi rin umano sila sa kanila sa Quezon.
(VC- MAGIE)
Si Nanay Vivian 53, mula sa Barangay San Isidro dito sa Daet ay isa rin sa mga nagtitinda ng palaspas.
Aniya, kailangan niyang kumayod para sa kaniyang tatlong anak na sabay-sabay na nag- aaral.
Biyuda na umano siya at wala nang ibang aasahan kaya sa araw-araw na pagtitinda niya ng kandila binubuhay at pinag-aaral ang tatlong anak sa sekundarya.
Kahit solo parent ay hindi umano niya natatamasa ang mga benepisyong dapat ay kaniyang pinakikinabangan.
Hindi rin umano siya benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s at hindi nakakakuha ng educational assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa araw-araw na pagtitinda ng kandila, kumikita umano siya ng P300 hanggang P400 na ang kapital ay inuutang lang din.
Umaasa si Nanay Vivian na malaki ang maitutulong ng kikitain niya sa pagbebenta ng palaspas.
Si Eric naman na taga Barangay San Isidro sa Daet ay nakasanayan na ring magtinda ng palaspas tuwing sumasapit ang mahal na araw.
Bagamat marami ang kapwa niya nagtitinda ay kumikita pa rin naman umano siya. Naglalaro mula P20 hanggang P35 ang palaspas depende sa pagkakagawa nito.
P20 kung simpleng palaspas lang na dahon ng olibo at may kasamang murang dahon ng niyog. Mas mahal kung mayroong kasamang balete na umaabot sa P35.
Bukas, April 2 ay gugunitain ng mga katoliko ang Linggo ng Palaspas, ang maringal na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem bago ang kaniyang pagpapakasakit at pagkamatay.
