Pinuri ni House Speaker Martin Romualdez ang desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos na tapyasan ang tariff rates para sa imported na bigas sa 15 percent mula sa kasalukuyang 35 percent.
Ayon kay Romualdez, inaasahang bababa ang presyo ng bigas dahil sa import levy reduction at direktang pagbebenta ng inangkat na bigas ng gobyerno sa pamamagitan ng Kadiwa centers.
Ang hakbang ay bahagi aniya ng layunin ng administrasyong Marcos na gawing available at abot-kaya ang presyo ng bigas sa merkado.
Pinawi rin ni Romualdez ang pangamba ng mga lokal na magsasaka ng palay hinggil sa tulong na kanilang matatanggap mula sa gobyerno dahil popondohan ito ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF alinsunod sa Rice Tariffication Law.
Nito lamang nakaraang buwan ay nakalikom umano ng 16 billion pesos mula sa import tariff collections kaya sapat ang pondo ng pamahalaan para tulunga ang mga magsasaka.
Dagdag pa ng House Speaker, kasama sa adbokasiya ng Kongreso na maibalik ang mandato ng National Food Authority sa pag-aangkat ng bigas upang maibaba ang presyo nito.
Ipinunto ni Romualdez na kailangang humanap ng long-term solution sa isyu ng presyo ng bigas sa bansa.