Ikinalugod ng mga leader ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang suporta ng Japanese government sa pagpapalakas ng maritime security capability ng Pilipinas.
Sa panayam kina House Speaker Martin Romualdez at Senate President Juan Miguel Zubiri matapos ang special joint session ngayong araw, kapwa kumbinsido ang mga ito na maituturing na tunay na kaibigan ang Japan.
Inihayag kasi ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa talumpati na patuloy nilang tutulungan ang Pilipinas upang mapagtibay ang kapayapaan at stability sa rehiyon.
Sinabi ni Romualdez na napatunayan ang pagiging mahusay na world leader at statesman ni Kishida sa pagharap nito sa mga mambabatas dahil sa pagsusumikap na makamtan ang regional security.
Ilan sa mga ibinida ni Kishida ang pamamahagi ng labindalawang barko sa Philippine Coast Guard upang mapabuti ang kakayahan ng bansa sa maritime security.
Nag-deliver din ang isang Japanese firm ng warning at control radar sa Philippine Air Force upang palakasin ang Air Domain Awareness.
Bukod pa ito sa kabuuang 600 billion yen na public-private assistance at ang pagtitiyak na susuportahan ang economic at social development alinsunod sa “Build Better More” program ng administrasyong Marcos.
Binigyang-diin pa ng Prime Minister sa kanyang address na seryoso ang banta sa international community at hindi dapat hayaan na magkanya-kanya ang mga bansa base sa ideolohiya at pag-uugali.