Positibo si Pangulong Bongbong Marcos na mapa-plantsa na ang labor issue ng Pilipinas at Kuwait matapos makipag pulong sa kanya si Kuwaiti Crown Prince Sheikh Mishal Al-Ahmad Al-Jaber Al-Sabah sa sideline ng ASEAN- GCC Summit sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon sa Pangulo, humingi raw ng dispensa sa kanya ang Prinsipe at sinabing hindi ito nasisiyahan sa kasalukuyang relasyon ng Pilipinas at Kuwait maging sa aksyon ng kanyang mga kababayan.
Nangako pa raw si Al-Sabah na aayusin nito ang anumang gusot dahil mahal nila ang Pilipinas.
Nabatid na sinuspinde ng Kuwait ang pag-iisyu ng visa sa mga Pilipino dahil sa umano’y paglabag ng gobyerno ng Pilipinas sa bilateral agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang pagpapatupad naman ng Pilipinas ng deployment ban sa Kuwait ay kasunod ng pagkamatay ng mga household service worker na sina Jullibee Ranara at Joan Demafelis.