Nagsasagawa na ngayon ng pagtunton ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kung sino-sino ang mga maituturing na social media influencers na kailangang magbayad ng buwis sa gobyerno.
Giit kasi ni Atty. Marissa Cabreros, Deputy Commissioner for Legal Group ng BIR, na lahat ng kumikita online o via digital platforms ay dapat magbayad ng buwis.
Kabilang na aniya rito ang mga nagba-vlog, youtubers, online sellers, mga naglalaro ng online games, livestreaming, Instagram at iba pang nagseserbisyo at nagpopromote online para kumita.
Iginiit ni Cabreros na kailangang magparehistro ang mga ito sa BIR at magbayad ng karampatang buwis depende sa taunan nilang kita.
Nilinaw naman ni Cabreros na walang dapat ipag-alala ang mga kumikita ng hindi lalagpas sa 250,000 kada taon, dahil wala silang babayarang income tax.
Para naman aniya sa mga social media influencers na hindi pa makakapagparehistro sa BIR sa tamang oras at panahon, sinabi nito na may penalty ang late registration.
Binigyang diin din ni Cabreros na hindi nila tatatantanan ang mga social media influencers na hindi magpaparehistro sa BIR. // MHEL PACIA-TRINIDAD via CLAY MARQUEZ
