CAMARINES NORTE – Ibinuking ng Philippine Coast Guard na namayagpag nitong pandemya ang mga hindi rehistradong bangka na naghahatid ng mga turista sa iba’t- ibang tourist destination sa lalawigan.
Ayon kay SCPO Rommel Mandreza, Deputy Commander ng Coast Guard Camarines Norte station marami umano silang nabalitaan na ginawang tourist boat ang mga pribadong bangka na nagsasakay ng mga turista kahit hindi accredited ng Department of Tourism at walang kaukulang clearance mula sa iba pang ahensiya ng gobyerno.
Palusot umano ng mga ito na kapamilya lang ang kanilang isinasakay.
Babala ng PCG na sumakay lang sa mga bangkang pag turista upang masiguro ang kaligtasan.
Delikado umano ang pagsakay sa mga bangkang hindi accredited ng DOT dahil kadalasan ay walang safety appliances ang mga ito tulad ng life jackets, fire extinguishers at iba pa.
Paalala rin ng PCG sa publiko partikular sa mga mangingisda na huwag isawalang bahala ang kanilang mga advisory lalo na kapag masama ang panahon o may gale warning at nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal.
Aniya makabubuting sumunod na lang sa advisory dahil sakaling may mangyaring disgrasya sa dagat ay mahirap magsagawa ng rescue operation kapag masama ang lagay ng panahon.
