CAMARINES NORTE – Nabakunahan kontra COVID- 19 ang mga estudyante at guro ng Mabini Colleges sa Daet Camarines Norte sa unang araw ng National Vaccination Days na nagsimula nitong Lunes, December 5.
Pinangunahan mismo ni Department of Health Undersecretary at National Vaccination Operation Center (NVOC) Incident Commander Dr. Nestor Santiago ang pagbabakuna sa mga estudyante.
Ayon kay Dr. Erlinda Porcincula, Vice President for Academic Affairs ng naturang eskwelahan na ang paglulunsad ng Bakunahang Bayan 2 o special COVID- 19 vaccination days ay isang “strong manifestation” na maprotektahan ang vulnerable sector at ma- boost ang humihinang immunity ng populasyon.
Aniya, mahalaga ang pagbabakuna para matapos na ang pandemya at makabalik na rin sa normal na pamumuhay ang mga tao.
Bagamat nakakatulong ang pagsusuot ng face mask at social distancing para mapigilan ang pagkalat ng sakit ay hindi umano sapat kung hindi magpapabakuna.
Dagdag pa nito na sandaling bakunado na ang lahat ay maaari na uling ma- enjoy ang mga dating ginagawa tulad ng mga holiday activities.
Mababatid na ilang beses na ring nagsagawa ng bakunahan sa naturang eskwelahan gayundin sa iba pang academic institution mula nang paigtingin ng gobyerno ang pagbabakuna kontra COVID- 19.
