CAMARINES NORTE- Hinimok ni Camarines Norte Schools Division Superintendent Nympha Guemo ang mga school head at guro na ibalik ang 4 o’clock habit sa mga eskwelahan.
Sa gitna ito ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue sa lalawigan na pangalawa sa may pinakamarami sa buong rehiyon.
Ayon kay Guemo nagpalabas na sila ng paalala sa mga school head at guro sa pamamagitan ng School Health personnel na panatilihin ang kalinisan sa eskwelahan.
Aniya hindi lang dapat sa loob ng classroom napapanatili ang kalinisan kundi maging sa labas.
Hindi lang rin umano ang mga canal ang dapat na pagtuunan ng pansin kundi ang mga iba pang maaaring pamahayan ng lamok tulad ng flower base kung saan stagnant ang tubig.
Binigyang diin ni Guemo na dapat ipatupad ang 4s strategy kontra dengue ng Department of Health.
Ito ay ang Suyurin at sirain ang pinamumugaran ng mga lamok, sarili ay protektahan laban sa lamok sa pamamagitan ng paggamit ng long-sleeves o pantalon at insect repellant, sumangguni agad sa pinakamalapit na pagamutan kapag nakaramdam ng sintomas para hindi lumala ang sakit, at suportahan ang fogging para sa mga lugar na may pagtaas na kaso upang maiwasan ang outbreak.
Ginawa ni Guemo ang pahayag sa lingguhang programa ng Division Office na DepEd hour.
Hinimok din ng opisyal ang mga eskwelahan na magkaroon ng collaboration sa Parents Teachers Association, Local Government Unit at Municipal Health Office.
Aniya, hindi lang sa COVID- 19 dapat mag ingat kundi sa dengue upang maiwasan ang pagkakasakit lalo na ng mga bata at para maiwasan din ang pagliban sa klase.
Batay sa datos ng DOH umaabot na sa 187 ang mga naitalang kaso ng dengue sa lalawigan.
