Handa na sa hamon na pataasin ang produksyon ng palay upang maging globally competitive ang mga magsasaka sa lalawigan ng Albay. Ayon sa Department of Agriculture (DA) Bicol, may mga bagong experto sa pagpapalay ang mga magsasaka sa nasabing lalawigan para maging competitive.
Nasa 33 Agriculture Extension Workers ang masayang nagtapos sa ginanap na RCEF Training of Trainers on the Production of High-Quality Inbred Rice and Seeds, and Farm Mechanization sa Bicol Region. Katuwang ang DA-RFO5, Albay Provincial Agriculture Office, ATI-RTC 5 at iba pa.
Sumailalim sa dalawang linggong extensive training ang mga kalahok at pinag-aralan ang iba’t ibang yugto ng palay, mga bagong teknolohiya, makinarya sa pagsasaka, at mga epektibong pamamaraan na tutulong para mapataas ang ani at mapababa ang gastos sa pagpapalay.
Ang mga pagsasanay tulad nito ay parte ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Extension Program sa ilalim ng Rice Tarrification Law (RTL) upang tulungan ang mga magsasaka na pataasin ang kanilang ani at mabawasan ang gastos sa pagpapalay.
Sa pamamagitan ng mga ganitong programa, mas naitataas ang antas at kalidad ng pagsasaka gamit ang mga makabagong teknolohiya sa pagpapalay.