Kinilala ni House Speaker Martin Romualdez ang kabayanihan ng iba’t ibang sektor sa makabagong lipunan.
Sa kanyang mensahe ngayong National Heroes’ Day, binigyang-pugay ni Romualdez ang mga guro, mangingisda, mga tauhan ng Philippine Coast Guard, overseas Filipino workers at mga atleta tulad nina double gold medalist Carlos Yulo, Nesthy Petecio at Aira Villegas.
Kasabay ng paggunita sa alaala ng mga matapang na Pilipinong nagtaguyod sa ating kalayaan at soberanya, marapat din aniyang saluduhan ang mga ordinaryong Pilipino na maituturing na bayani sa araw-araw na may di matatawarang kontribusyon sa bansa.
Iginiit ni Romualdez na magkakaiba ng paraan ang “modern-day heroes” upang mapabuti ang bansa at nagpapaalala na ang kabayanihan ay hindi lamang tungkol sa pagsuong sa panganib.
Ito man ay mga mangingisda sa Masinloc na pumoprotekta sa marine resources, mga teacher na sumisigurong walang bata ang mapag-iiwanan, OFWs na nagsasakripisyo para sa ikauunlad ng bansa at mga personnel ng PCG at law enforcement agencies na nagtatanggol sa territorial integrity sa West Philippine Sea.
Idinagdag pa ng House Speaker na ang mga atletang lumahok sa 2024 Paris Olympics ay nagpamalas kung paano ang pagpupursigi at dedikasyon ay mauuwi sa tagumpay.
Hinimok naman ni Romualdez ang mga Pilipino na humanap ng inspirasyon sa buhay ng mga makabagong bayani na maaaring gawin kahit sa simpleng pag-aalaga sa pamilya o pagsunod sa batas.