SORSOGON CITY – Mahaharap sa patong-patong na kaso ang isang dog owner makaraang mag-amok ito tangan ang isang machete matapos na ma-‘silo’ ng Task Force Stray Dogs ng Sorsogon City Veterinary Office (CVO) ang tatlong alagang aso nito na pagala-gala sa kalsada sa Brgy Cambulaga West District, Sorsogon City.
Kinilala ang suspek na si Anthony Falsario Santos, 35-anyos, binata, tricycle driver, Ilonggo at kasalukuyang naninirahan sa nasabing barangay.
Kinilala naman ang mga biktimang sina Menard Lorente Pura, 24-anyos at Christopher Reducto Giba, 40-anyos pawang mga personahe ng CVO.
Sa panayam ng Brigada News sa mga biktima, sinabi ng mga ito na wala silang nagawa nang akyatin ng suspek ang kanilang sasakyan, tangan ang isang machete, binantaan umano sila na tatagain at papatayin saka pilit na pinakawalan sa kulungan ang kanyang mga alagang aso.
Matapos ang insidente ay humingi ng tulong sa mga Barangay Officials ang mga biktima na siyang dumakip sa suspek at tuluyang itinur-over ito sa himpilan ng pulisya.
Inihahanda na ang mga kasong direct assault, threat at disobedience to an agent in person of authority laban sa suspek.
Balak din ng CVO na sampahan ng hiwalay na reklamo ang suspek na may kaugnayan sa RA 9482 o ang Anti-Rabies Act of 2007.

