Matapos maging laman ng mga memes at tampulan ng biruan sa social media tiniyak ni Senator Alan Peter Cayetano na agad ihahain ang P10K Ayuda Bill at iba pang priority bills sa Senado para mapadali ang proseso ng pag-apruba at pagpapatupad nito.
Sa kanyang talumpati sa oath-taking ng mga bagong opisyal ng Taguig City, sinabi ng dating House Speaker na taliwas sa mga banat sa kanya ng mga basher, ang P10K ayuda bill ay isang “legislative proposal” na kailangang aksyunan ng Senado, House of Representatives, at Malacañang.
Ayon kay Cayetano kung kaya niya lang bigyan ng tig-sampung-libong piso ang bawat pamilya ay ginawa na niya ito.
Imbes umano tumuligsa hinamon ng mambabatas ang kanyang kritiko na tumulong na lamang ang mga ito.
Hiniling naman ni Cayetano ang mga kongresista mula sa Taguig na maghain din ng counterpart bill sa House of Representatives.
Nabatid na inihain ng mag-asawang Cayetano ang House Bill No. 8597 o ang 10K Ayuda Bill noong February 1, 2021 na nanawagang lumikha ng isang financial aid program na magbibigay ng P10,000 sa bawat pamilyang Pilipino.
