CAMARINES NORTE- Nakapagtala ng mataas na hot index ang Daet Camarines Norte sa tatlong magkakasunod na araw o mula noong Sabado, March 19 hanggang kahapon, March 21 na umabot sa 45 ° Celsius na mas mainit kumpara sa ibang mga lalawigan.
Batay ito sa monitoring ng Pagasa Daet Station na nakabase sa Barangay Bagasbas.
Ayon kay Pagasa Daet weather observer Raymond Gerald Ordinario, iba talaga ang init na nararamdaman ngayon kumpara noong mga nagdaang araw.
Aniya asahang mas titindi pa ito sa mga susunod na araw lalo na pagsapit ng Abril at Mayo na itinuturing na peak ng tag init.
Mabuti na lamang aniya ay mayroong hangin na dulot ng easterlies na kahit papano ay pumapawi sa matinding init ng panahon.
Mayroon naman aniyang inaasahang ulan ngayong panahon ng tag init na dulot ng thunderstorms pero hindi ito magtatagal.
Nagbabala rin ang state weather bureau na maapektuhan ang mga water sources dahil sa matinding init ng panahon.
Kaugnay naman nito ay nagbabala ang Bureau of Fire Protection sa publiko na mag ingat sa sunog lalo ngayong tag init.
Ayon sa BFP mula Enero hanggang March 16 ng taong kasalukuyan nasa 16 na sunog na ang naitala sa lalawigan.
Noong isang taon mahigit 60 insidente ng sunog ang naitala ng ahensiya.
