Marcial, papalitan si Obiena bilang male flag bearer sa Olympics

Papalitan ng boksingero na si Eumir Marcial ang pole-vaulter na si EJ Obiena bilang male flag-bearer ng Pilipinas sa Tokyo Olympics na nakatakdang mag-umpisa sa July 23.

Napili ang 2019 World Campionship silver medalist dahil sa mas paborable nitong schedule kumpara kay Obiena.

Papasok si Marcial sa Tokyo bukas mula sa Colorado Springs sa Estados Unidos kung saan ay iginugol niya ang huling bahagi ng kaniyang training habang si Obiena naman ay lilipad patungong Japan sa umaga ng inaugurals.

Ginawa ng Philippine Olympic Committee ang pagbabago bilang paghahanda mula sa mga posibleng problema na maari nitong kaharapin mula sa bagong protocol na nag-re-require sa opener attendees na makarating sa venue ng walong oras na mas maaga.

Sinabi naman ni POC president Abraham Tolentino na nagpapasalamat sila sa dalawang atleta dahil sa kanilang pag-unawa sa mga pagbabago.

Samantala, paparada naman si Marcial kasama ang female flag-bearer na si Kiyomi Watanabe ng judo.