Pumupuslit na parang magnanakaw.
Ganyan inilarawan ng ilang mangingisda ang kanilang karanasan sa kamay ng Chinese Coast Guard sa tuwing nagtatangkang pumasok sa Bajo De Masinloc na bahagi ng West Philippine Sea.
Sa pagdinig ng Joint Committee on National Defense and Security and West Philippine Sea sa Masinloc, Zambales, ikinuwento ng New Masinloc Fishermen’s Association President na si Leonardo Cuaresma na gumagawa lamang sila ng paraan upang makapangisda.
Sinabi ni Cuaresma na kapag nakakapasok sa lagoon ang maliliit na bangka at nakapangingisda ay hinaharang at hindi sila pinapayagang makalabas ng mga Chinese upang kumpiskahin ang kanilang huli.
Pinalalabas aniya ng mga Chinese na “barter” ang nangyayaring kalakalan at kapag nakuha na ang magaganda at malalaking huli na aabot sa sampung libong piso ang halaga ay binibigyan sila ng limang kilo ng expired na noodles bilang kapalit.
Aminado naman si Zambales Governor Jun Ebdane na kung dati ay pinakamadaling mangisda sa Bajo De Masinloc na mayaman sa resources, ngayon ay malaki na ang ipinagbago dahil “marginal” o kakaunti na lamang ang huli habang kinukuha ng mga Chinese ang malalaking clams o taklobo.