Magiging epektibo na sa 2022 ang Mandanas Ruling sa bansa o ang pagpapabuti at paghahatid ng serbisyo sa pamamagitan ng desentralisasyon ngunit tiniyak ng National Irrigation Administration Region 2 na magpapatuloy ang kanilang suporta sa mga CIA para sa mga communal Irrigation.
Ipinaliwanag ni Cabinet Secretary Atty. Karlo Nograles sa isinagawang meeting kasama ang NIA Region 2 sa pangunguna ni Regional Manager Engr. Raymundo Apil at NIA MARIIS sa pangunguna ni Acting Department Manager Engr. Josue Sabio na sa ilalim ng mandanas ruling ang ilang function ng NIA sa mga communal irrigation ay mapupunta sa 1st hanggang 4th class na mga munisipalidad o lokal na pamahalaan.
Kaugnay dito, ang rehabilitation, pagmimintina at pangangalaga ng mga communal irrigation ay isasagawa na ng mga LGU ngunit ang mga nasa 5th – 6th class na mga munisipalidad ay mananatili pa rin na ang NIA Region 2 ang magmimintina rito.
Tiniyak naman ng NIA Region 2 na matututukan pa rin ng kanilang ahensiya ang pangangailangan ng mga magsasaka sa kabila ng implementasyon ng mandanas ruling.
Hinikayat naman ang aktibong partisipasyon ng mga magsasaka at Irrigation Association sa Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) kung saan direktang bibilhin ng Task Force on Zero Hunger ang kanilang mga produkto.
Samantala, binabalangkas na rin umano na mapabilang ang NIA sa Salary Standardization Law (SSL) na matagal na umanong request ng mga empleyado ng ahensiya.