Hinamon ni Pangulong Bongbong Marcos ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, na patunayang tapos na ang kaguluhan at kapayapaan na ang namamayani sa Mindanao.
Sa pagdalo ng Pangulo sa ika-17th meeting ng National Government at Bangsamoro government Intergovernmental Relations body o IGRB kahapon, hiniling nito na gawing makasaysayan ang kauna-unahang eleksyon ng BARMM Parliament sa taong 2025.
Ayon sa Pangulo, ang pagsasagawa ng eleksyon ay magandang pagkakataon sa Bangsamoro people na magluklok ng kanilang mga lider at ang logical na hakbang para ipagkaloob ang self-rule sa kanilang lugar.
Hinimok ng Pangulo ang BARMM huwag hayaang guluhin ito o isabotahe ng mga pwersang nasa labas aniya ng demokratikong proseso.
Giit ng Presidente, dapat matiyak ng BARMM na wala ni isang botante ang mawawalan ng karapatang makaboto dahil sa karahasan, pananakot o panunuhol.
Kumpiyansa naman si Pangulong Marcos na handa na at kakayanin ng BARMM na maging maayos, malinis at mapayapa ang eleksyon.