KORONADAL CITY – BINIBIGYAN ngayon ng prioridad ng City Government ng Tacurong ang poorest of the poor o yaong mahihirap na mga residente ng lungsod na sumasailalim sa hemodialysis na mabigyan ng panahon na magkaroon ng libreng dialysis treatment. Ito ang inihayag ni City Health Officer Dr. Giovanni Deles, kasabay ito sa opisyal na pagbukas ng kanilang Peoples Dialysis Center o PDC ng lungsod upang matulungang magamot yaong nakararanas ng Chronic Kidney Disease o CKD.
Ayon kay Deles, ito na ang matagal na panahon na hinihintay ng mga mamayan ng Tacurong City na mayroon nang pampubliko na mga bahay-pagamutan na magbibigay sa kanila ng malaking tulong. Nabatid, na ito ay libre para sa lahat ng mga taga-Tacurong. Dagdag ni Deles, para sa mga gustong makabenepisyo nito, maaari lamang umanong magpakonsulta sa kanilang klinika para sa mga gabay na dapat nilang gawin gayundin ang pagkuha ng mga rekisitos mula sa CSWDO.
