Aabot sa siyamnapung libong benepisiyaryo ang mahahatiran ng tulong sa dalawang araw na pagdaraos ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Bislig City, Surigao Del Sur.
Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang ceremonial distribution ng iba’t ibang serbisyo at cash assistance sa De La Salle John Bosco College na nagkakahalaga ng kabuuang 560 million pesos.
Dalawandaan at labimpitong government services ang alok sa mga residente ng Surigao Del Sur habang ang ipamamahaging ayuda ay aabot sa 244 million pesos.
Bukod sa iba’t ibang assistance, namigay din si Romualdez ng 95,000 kilograms ng bigas.
Pitumpu’t pitong kongresista ang dumalo sa serbisyo caravan sa Bislig City.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Romualdez na ang BPSF ang katuparan sa ipinangako ni Pangulong Bongbong Marcos noong panahon ng kampanya lalo’t nasa 250,000 umano ang bumoto sa kanya base sa pahayag ni Surigao Del Sur Governor Alexander Pimentel.
Siyam sa dalawampung BPSF ay idinaos sa Mindanao kaya naman iginiit ni Romualdez na patunay ito na ipinararamdam ang mga programa ng gobyerno sa mga residente.
Biro pa ni Romualdez sa mga kapwa mambabatas, tila mas marami pa ang dumadalo sa BPSF kaysa mga sesyon sa Kongreso, pero ang totoo ay nais lamang umano nilang masaksihan ang bunga ng paglalaan ng pondo sa ilalim ng National Budget.