BNFM BICOL– Namahagi ang Department of Labor and Employment o DOLE-Bicol ng nasa P600,000 halaga ng ‘Kabuhayan Kits’ sa mga piling benepisyaryo sa lalawigan ng Catanduanes, partikular ang mga residenteng kabilang sa marginalized sectors.
Ang naturang ‘Kabuhayan Kits’ ay binubuo ng mga food processing; vending kits; pastry ovens; mga baking materials at iba pa.
Tinatayang nasa 38 mga informal workers, self-employed at unemployed sa probinsya ang nakatanggap ng naturang ayuda, mula sa mga bayan ng Virac, San Miguel, Baras at Panganiban.
Kaugnay nito, mas naging makahulugan ang distribusyon ng nasabing mga ayuda lalo na at isinabay ito sa selebrasyon ng ika-88 anibersaryo ng ahensya.
Sa isang pahayag, sinabi ni DOLE-Bicol Regional Director –Ma. Zenaida Angara-Campita na ang mga ipinamahaging ‘Kabuhayan Kits’ sa mga benepisyaryo ay hindi lamang umano mga kasangkapan, bagkus ay sumisimbolo rin sa oportunidad at pag-asa upang muling makapagsimula ng negosyo ang mga ito sa gitna ng hinaharap na krisis, ngayong nagpapatuloy pa rin ang pandemya.###