LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng isang weather specialist na maaaring makaranas ng mahigit 40°C heat index ang Bicol Region ngayong buwan ng Hulyo.
Sa isang panayam kay Christian Allen Torevilla, sinabi niya na maaaring makapagtala ng matinding pagtaas ng heat index sa ilang lugar sa rehiyon.
Aniya, kung hindi magbabago ang panahon at tuluy-tuloy ito ngayong buwan, magkakaroon ng matinding tagtuyot.
Dahil dito, nagpaalala si Torevilla sa publiko na huwag magsusuot ng makakapal na damit o mga kulay na mainit sa kawatan at palagiang magdala ng inuming tubig sakaling makaranas ng dehydration.
Kahapon, naitala ang 45°C heat index sa Virac, Catanduanes, 44°C sa Masbate City, 41°C sa Legazpi City at sa Sorsogon City.
Posible umano na ang heat index ay umabot sa 40-51°C na maaring mauwi sa heat cramps at heat exhaustion.