Magkasintahan na nagkakilala online, ikinasal din through online

Sabi nila, “Love knows no boundaries”, wala itong pinipiling edad, walang tinitingnang kasarian, at walang nakikitang distansya gaano man kalayo sa isa’t-isa.

Ganyan ang pinatunayan ng magkasintahan mula sa ibang bansa na sina Darrin at Ayse na tinaguriang ‘online couple’.

Ayon sa kwento ni Ayse, 26-anyos mula sa United Kingdom, kalagitnaan ng pandemya noong 2020 nang subukan niyang sumali sa isang Facebook group sa pag-asang mababawasan nito ang pagkabagot niya sa bahay dahil sa kaliwa’t-kanang lockdown.

Sa Facebook group na iyon ay kasali ang mga users mula sa iba’t-ibang panig ng mundo na nagbabakasakaling makahanap ng kanilang “the one”.

Dito niya nakilala ang ginang na si Kenda, 56-anyos mula sa Michigan.

Nabanggit nito kay Ayse na mayroon siyang anak na ka-edaran lamang nito at ito ay si Darrin.

Naging daan si Kenda sa pagitan ng kanyang anak at ni Ayse na kalaunan ay nagka-usap at nagkamabutihan online, sakabila ng milya-milyang layo sa isa’t-isa.

Yumabong ang kanilang relasyon sa pamamagitan ng video calls at phone calls sakabila ng limang oras na time difference.

Buwan ng Hulyo nitong nakaraang taon, nang sumubok si Ayse na surpresahin ang kanyang nobyo sa U.S ngunit sa kasamaang palad, hindi siya natuloy bunsod ng travel restriction at hindi rin naaprubahan ang kanyang visa.

Sakabila nito, ipinagpatuloy ng dalawa ang kanilang “long distance relationship” at buwan ng Mayo ngayong taon, ay nag propose na ng kasal si Darrin kay Ayse na sinagot naman ng babae ng kanyang matamis na “Yes”.

Dahil alam nilang matatagalan pa bago sila magkita nang personal, nag desisyon ang magkasintahan na magpakasal online nitong buwan ng Agosto sa Utah.

Pinahihintulutan at kinokonsiderang legal sa batas ng Utah ang pagsasagawa ng virtual wedding ceremonies sa pamamagitan ng video teleconference software na ZOOM.

Sa ngayon, nananatiling online ang paraan ng komunikasyon ng mag-asawa habang hinihintay ni Ayse na mabigyan siya ng U.S visa upang doon na manirahan kasama ang kanyang asawa na nakilala at pinakasalan niya online. ### JUMEL DELA ROSA, BNFM Bicol