SORSOGON CITY – Ngayon ngang buwan ng Marso ang pagpupugay sa mga kababaihan… pero, papaano kung ang ‘ilaw ng tahanan’ naman ang lumisan?
Ganito ang nangyari sa isang 38 anyos na lalaki at kanyang dalawang anak ng Brgy. Sabang, sa bayan ng Bulusan, Sorsogon.
Gabi nang dumulog sa Municipal Police Station (MPS) sa bayan ng Barcelona ang isang ama kasama ang isang taon at ang isa pang 4 na taong gulang na anak.
Nilisan daw ito ng kanyang asawa, dahilan para magpasya naman syang makipagsapalarang humanap ng trabaho sa Manila.
Naisakay na lamang ang mag-aama ng isang nagmagandang loob habang nilalakad ang papuntang terminal.
Naibaba naman sila sa bayan ng Barcelona kung saan dito sila nabigyang tulong ng awtoridad.
Naihatid ng ligtas ang tatlo sa kanilang kamag-anak ng mga tumulong na pulis, para pansamantalang doon na muna manuluyan.
