Nakatakdang bumuo ang lokal na pamahalaan ng Los Baños Laguna ng COVID-19 and Infectious Health Care Wastes Management Plan, alinsunod sa kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa Executive Order No. 37, ipinag-utos ni Mayor Antonio Kalaw ang pagbuo ng Technical Working Group para sa nasabing management plan sa kanilang bayan na pamumunuan ni Municipal Health Officer, Dr. Alvin Isidoro.
Nakapaloob sa COVID-19 and Infectious Health Care Wastes Management Plan ang plano ng lokal na pamahalaan para sa ligtas na disposal ng mga basurang nagmula sa mga health facility, partikular na ang ginamit ng mga COVID-19 patient dito.
Ayon sa lokal na pamahalaan, magiging bahagi ng kanilang 10 Year Solid Waste Management Plan ang COVID-19 and Infectious Health Care Wastes Management Plan sa oras na maaprubahan ito.