UNITED KINGDOM– Tuwing sasapit ang Christmas season, nagliliwanag ang buong paligid, kumukutitap ang mga ilaw, nagtataasan ang mga Christmas trees at iba’t-ibang kulay at disenyo ng mga parol ang isinasabit.
Hindi rin mawawala ang mga nagbibilugang Christmas balls na mas nagbibigay ng buhay sa mga dekorasyong pamasko.
Sa United Kingdom, alam niyo ba na isang lola ang pinarangalan at kinilala ng Guinness dahil sa pagkakaroon ng pinakamaraming koleksyon ng mga Christmas balls?
Kinilala itong si Sylvia Pope mula sa Swansea, Wales. Ayon kay Sylvia, taong 1999 nang magsimula siyang mag-ipon o mangolekta ng mga Christmas balls dahil sa bigla niyang pagkahilig at pagkahumaling dito makaraang bisitahin ang bahay ng kanyang kaibigang mahilig din sa pag kolekta ng Christmas balls.
Noong una, namimili lamang siya sa mga department stores sakanilang lugar hanggang sa dumami ito nang dumami dahil na rin sa mga Christmas balls na regalo sakanya ng kanyang mga kaibigan at kaanak.
Sa ngayon, umabot na sa kabuuang 1,760 ang kanyang koleksyon nito dahilan upang igawad sakanya ng Guinness ang parangal bilang “World’s largest collection of Christmas bauble ornaments”
Dagdag pa ni Sylvia, goal niya umano na sa 2022 ay umabot na sa 2,000 ang kanyang Christmas balls collection.### JUMEL DELA ROSA- BNFM Bicol