Naniniwala si Camarines Sur Second District Representative LRay Villafuerte na malaki ang magiging papel ng local government executives sa pag-angat ng produksyon ng produkto at serbisyo na gawang Pinoy.
Matapos kasing lagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Republic Act 11981 o ang Tatak Pinoy Act ay obligado na ang local government units na magtatag ng “green lanes” na magpapabilis sa proseso ng paperwork na kinakailangan ng investors na nais pasukin ang negosyong magtataguyod ng local goods at serbisyong may Pinoy trademark.
Ayon kay Villafuerte, nakapaloob din sa batas ang pagkakaroon ng green lane facilities para sa mabilis na pagproseso ng import at export requirements pati na clearances na kailangan ng Tatak Pinoy Strategy enterprises na may ugnayan sa Bureau of Customs, Food and Drug Administration at iba pang regulatory agencies.
Paliwanag nito, sa pagsasabatas sa Tatak Pinoy Act ay napalapit ng hakbang ang isinusulong ng pangulo na inclusive growth.
Ginagarantiya aniya na mapapabuti ang kakayahan ng domestic industries at mapapalawak ang koneksyon sa regional at global value chains.
Bukod dito, iginiit ng kongresista na ang bagong batas ay nagsisilbing investment sa talento ng Pilipino at sumusuporta sa micro, small and medium enterprises o MSMEs.
Bahagi ng mandato nito ang pagsisigurong maipapamahagi nang pantay-pantay ang public expenditures upang suportahan ang domestic enterprises hanggang sa sixth class provinces at municipalities.