Inatasan na ni Speaker Martin Romualdez ang liderato ng Kamara pati na ang matataas na Secretariat officials na bumuo at tiyakin ang mabilis na pag-apruba sa isang panukalang batas na tutugon sa “total ban” ni Pangulong Bongbong Marcos laban sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ayon kay Romualdez, matapos ang ikatlong State of the Nation Address ng pangulo ay agad niyang pinulong ang House leaders at top Secretariat officials upang ipag-utos ang pagsusulong ng proposed legislative measure na magpapatigil sa operasyon ng POGO.
Dapat umanong maging saklaw ng panukala ang lahat ng basehan sa total POGO ban, tiyaking hindi mauuwi sa pagiging “guerilla operators” o patago ang operasyon ng mga ito at pagkakaroon ng mahigpit na probisyon upang hindi na muling mabuhay ang criminal activities.
Ipinabatid sa House Speaker na mayroon nang mga nakabinbing panukalang batas at resolusyon sa House Committee on Games and Amusement kaugnay sa POGO operations kabilang ang mga inihain ng Makabayan Bloc at ni Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr.
Pero nagbigay din ng direktiba si Romualdez na ipagpatuloy ang congressional investigation hinggil sa operasyon ng mga sindikatong responsable sa ilegal na aktibidad at krimen sangkot ang mga POGO upang maisiwalat ang modus operandi at ang mga mastermind.
Kasama pa sa nakabinbin sa committee level ang mga resolusyong inihain nina Rizal Representative Fidel Nograles, Cagayan De Oro Representative Rufus Rodriguez at privilege speech ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino.
Kailangan aniyang pagsamahin ang mga naturang legislative measures at magresulta sa paghahain ng substitute bill na katanggap-tanggap sa lahat ng stakeholders na dumadalo sa committee hearings.
Hiniling na ni Romualdez sa chairpersons ng mga komite na bigyan ito ng prayoridad partikular ang Committee on Public Order and Safety upang magsumite ng komprehensibong report at rekomendasyon sa Games and Amusement Panel na siya namang maglalabas ng committee report para sa plenary deliberation.