Libya, magpapatupad ng curfew hours dahil sa pagsipa ng COVID-19 cases

Nagpatupad ang Libyan government ng curfew sa Libya dahil sa pagsipa ng COVID-19 cases. 

Sa isang resolusyon, ay sinabi na ipatutupad ang curfew sa ilang munisipalidad ng Libya mula alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga sa loob ng dalawang linggo.

Nagsimula ang nasabing polisiya kagabi, July 27.

Kabilang sa mga maapektuhan ng curfew ay ang mga munisipalidad na matatagpuan sa central region, ang mga munisipalidad sa West Coast, at ang mga munisipalidad sa Western Mountains.

Binanggit rin sa resolusyon na magpapatuloy ang curfew pagkatapos ng expiry ng nabanggit na panahon, maliban na lang kung magkakaroon ng desisyon para ito ay maamyendahan o makansela.

Inihayag rin ng Libyan government na ipagbabawal nito ang commercial activities habang kailangan naman magsara ng lahat ng Cafés, restaurants, clubs, parks, at gardens

Mababatid na nagpahayag ang UNICEF ng pagkaalarma sa tumataas na bilang ng COVID-19 cases ng Libya.

Noong July 18 ay naiulat ng naturang bansa ang 6,061 na bagong kaso ng COVID-19, na pinakamataas mula nang mag-umpisa ang pandemya.