Inihain ni Quezon City 4th District Representative Marvin Rillo ang panukalang batas na layong gawing libre ang toll fee sa mga expressway tuwing regular holiday para sa lahat ng sasakyan.
Batay sa House Bill 9661, nais ni Rillo na amiyendahan ang Section 6 ng Presidential Decree 1112 kung saan bukod sa government vehicles na nasa official business ay isasama na rin ang lahat ng sasakyan para ma-exempt sa pagbabayad ng toll fee kapag regular holiday.
Ipinaliwanag ng kongresista na base sa pag-aaral ng Bonston Consulting Group noong Setyembre hanggang Oktubre 2017, inaabot ng 66 minutes sa gitna ng trapiko ang isang motorista o commuter sa National Capital Region.
Katumbas umano ito ng 3.5 billion pesos na nawawalang kita dulot ng traffic congestion.
Giit ni Rillo, malaking tulong sakaling malibre sa paggamit ng expressway ang mga motorista kahit tuwing regular holiday lang.
Ilalatag naman ng Toll Regulatory Board ang panuntunan hinggil sa pag-avail ng libreng toll fee sa sandaling maisabatas ang panukala.