Pinaalalahanan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga commuters na ang libreng sakay sa EDSA carousel ay matatapos na ngayong taon.
Sa pahayag ng DOTr, sinabi nitong simula ika-1 ng Enero, sa ganap na alas-5 ng umaga, magkakaroon na ng bayad sa pamasahe mula PITX hanggang Monumento.
Ayon kay LTFRB Executive Director Tina Cassion, ‘exhausted’ na ang pondo para sa naturang service contracting program.
Matatandaan na naglabas na ang Department of Budget and Management ng P1.4 billion para mai-extend pa ang Libreng Sakay Program hanggang sa katapusan ng taong 2022.
DOTr, tatanggap na ng bids para sa privatization ng EDSA Bus Carousel sa unang quarter ng 2023
Target ng DOTr na buksan ang bidding para sa privatization ng operasyon at maintenance ng EDSA Bus Carousel service sa unang quarter ng 2023.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ipa- privatize ng gobyerno ang EDSA Busway service sa susunod na taon.
Matatandaan na noong Oktubre, nanawagan ang Transportation chief para sa pagsasagawa ng feasibility study sa panukalang privatization ng EDSA Busway System sa gitna ng hiling ng mga business at advocacy groups, upang mapaganda umano ang karanasan ng mga commuters.
Sinabi rin ni Bautista na magda-draft ang DOTr ng terms of reference para sa concession agreement ng EDSA Busway System.
