LEGAZAPI CITY – Umaabot na sa kabuuhang bilang na 696 ang kumpirmadong kaso ng Covid-19 kabilang ang 651 recoveries, 43 ang mga nasawi, habang 2 ang kasalukuyang aktibo sa nasabing sakit sa bayan ng Camalig, Albay.
Ayon sa Local Government Unit (LGU) ng nabanggit na bayan, patuloy silang nagsasagawa ng mga protocols laban sa COVID-19 kung saan ang iba’t ibang paaralan ay sumasailalim sa malawakang pagdi-disinfect bilang bahagi ng kanilang layunin sa pagtataguyod ng face-to-face classes.
Regular na isinasagawa ng Sanitation Team sa ilalim ng Municipal Health Office (MHO) at ng Municipal Disaster risk Reduction & Management Office (MDRRMO) ang mga disinfection operation upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit lalo na sa mga silid-aralan at iba pang paaralan na kasalukuyang ginagamit sa araw-araw.
Ang sanitation team ay nag-iikot din sa mga establisyimento ng negosyo, pampubliko at pribadong opisina, palengke, at iba pang high traffic areas bilang bahagi ng kampanya ng LGU-Camalig sa pagpapabilis ng pag-ahon nito mula sa pandemya.