CAMARINES NORTE- Target ng Lokal na Pamahalaang Bayan na ma- lift ang African Swine Fever (ASF) RED Category sa bayan ng Basud, Camarines Norte.
Kaya naman mahigpit pa rin ang monitoring na ginagawa sa mga barangay para masigurong hindi makakapasok ang mga baboy at pork products mula sa ibang lugar.
Ayon kay Municipal Agriculturist Harry James Felomino, huling nagkaroon ng kaso ng ASF sa naturang bayan noong Enero kaya’t mahigit apat na buwan na itong walang naitatalang bagong kaso.
Dalawang beses na ring nagkaroon ng environmental swabbing sa mga lugar na nagkaroon dati ng kaso ng ASF at negatibo ang resulta.
Sa ngayon ay mayroon umanong bagong direktiba ang Department of Agriculture na magsagawa ng ikatlong swabbing sa lahat ng barangay na siya umano nilang pinagtutuunan ng pansin.
Nagsagawa na rin ng training ang MAO sa mga personnel nito at sa mga Barangay Agri- worker sa pagkuha ng sample para mapabilis ang compliance sa direktiba ng DA.
Kukunan ng ASF sample ang 29 na barangay sa loob ng tatlong linggo o limang samples sa kada barangay sa loob ng panahong nabanggit.
Ang bayan ng Basud ay daanan papasok at palabas ng Camarines Norte kaya’t gayun na lang ang ginagawang paghihigpit upang masigurong walang makakapasok na mga baboy at pork products mula sa ibang lugar.
Sa ngayon ay ilang buwan nang walang naitatalang bagong kaso ng ASF sa lalawigan.

