KORONADAL CITY — ISINUSULONG ngayon sa Sangguniang Panlungsod ng Koronadal ang isang resolution na nagsusulong ng Land banking sa lungsod.
Ayon sa may akda ng resolution na si City Councilor Ellen Grace Subere-Albios, chairman ng Committee on Finance, isang proseso ang Land banking kung saan isinusulong ang pagbili ng city government ng mga lupa na maaaring gamitin sa susunod na mga tao.
Sa panayam ng Brigada News Fm Koronadal kay Albios, naisip nitong isulong ang Land banking dahil marami umano itong nakikitang mga residente na walang sariling tirahan sa lungsod. Pagdating umano ng panahon, maaaring gawing resettlement site o housing project ang mga nabiling lupa na maaari namang ma-avail ng mga residente sa murang halaga.
Maliban dito, magagamit din ng lungsod ang mga bibilhing lupa sa iba’t-ibang mga proyekto sa susunod na mga taon.
Samantala, sakaling papasa sa SP, marami umanong mga nakatiwang-wang na mga lupain sa Koronadal na maaaring bilhin ng city government sa pamamagitan ng bidding at public offer.
Sa ngayon, nasa first reading pa lamang ang resolution ngunit naniniwala si Albios na papaboran ito ng SP.
