BNFM BICOL—Nakapagtala ng highest single day COVID-19 record ang lalawigan ng Catanduanes nitong weekend matapos na pumalo sa kabuuang 89 ang mga naitalang bagong kaso ng sakit nitong araw ng Sabado at Linggo.
Batay sa ulat ng Department of Health-Bicol, 35 bagong kaso ng sakit ang naitala nitong araw ng Sabado sa lalawigan kung saan sampo sa mga ito ang mula sa bayan ng Virac; tig-apat na kaso ang Bagamanoc at Baras; tig tatlo ang bayan ng San Andres at San Miguel, habang isang kaso naman ang naidagdag sa Caramoran.
Kahapon araw ng Linggo, naitala sa islang lalawigan ang highest single day COVID-19 cases na pumalo sa 54 na mga bagong kaso. Mula sa nasabing bilang, 19 sa mga ito ang mula sa kabiserang bayan ng Virac; 14 sa Caramoran; lima sa Bato; tig-apat ang mga bayan ng Bagamanoc at San Miguel; tatlo ang mula sa bayan ng San Andres; dalawa sa Pandan habang tig-iisa naman ang mga bayan ng Baras, Panganiban at Viga.
Bunsod nito, umakyat na sa kabuuang 1,751 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Catanduanes kung saan 383 sa mga ito ang nananatiling aktibong kaso.
Nadagdagan naman ng 54 ang bilang ng mga gumaling nitong weekend kung kaya’t pumalo na sa 1,357 ang bilang ng recoveries habang wala namang naidagdag sa bilang ng mga nasawi kaya’t nananatili sa 11 ang COVID-19 death toll sa lalawigan..###