Sugatan ang isang lalaki matapos umano itong pagsasaksakin habang umaawat lamang sa away ng isang mag-asawa sa Sitio Baysong, Barangay Binay, San Narciso, Quezon, nitong Martes, Abril 18.
Ayon sa report, nag-iinuman umano noon ang suspek na si alyas “Warrior” at ang biktima na si “Jonil” nang magkaroon ng mainit na argumento sa pagitan ng suspek at ng kanyang asawa.
Sinubukan umano ng biktima na pigilan ang suspek subalit nagalit ito at saka siya makailang beses na pinagsasaksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Agad na isinugod sa hospital ang biktima habang tumakas naman ang suspek patungo sa hindi pa natutukoy na direksyon dala dala ang patalim na ginamit nito.
Kasalukuyan na ngayong pinaghahanap ang naturang suspek na nahaharap sa kasong Frustrated Homicide.