Poland— “Blessing in disguise” – ganito maituturing ang nangyaring pagkaka aksidente ng isang lalaking bulag sa bansang Poland. Ito ay matapos siyang muling makakita makaraang mabundol ng kotse.
Mahigit 20 taon na namuhay sa madilim na mundo si Janusz Goraj, dahil sa pagkawala ng kanyang paningin dahil sa dati niyang sakit. Hindi na makakita ang kanyang kaliwang mata habang anino na lamang ang kayang maaninag ng kanyang kanang mata.
Habang tumatawid siya sa kalsada sa Gorzow Wielkopolski, aksidente siyang nasagasaan ng isang kotse. Nabali ang kanyang buto sa bahagi ng kanyang baywang at nakahampas rin ang kanyang ulo sa bahagi ng sasakyan.
Bunsod nito, dalawang linggo siyang nakaratay sa ospital at sa loob ng kanyang pananatili dito, bigla na lamang siyang gumising na nakakakita nang muli ang kanyang mga mata.
Hindi pa malinaw hanggang sa ngayon kung ano ang dahilan ng muling pagkakabalik sa paningin ni Goraj, ngunit ayon sakanyang doktor, maaaring ito ay dahil sa mga matataas na dosage ng gamot na ipina-inom sakanya lalo na ang mga ‘anticoagulant medicines.’
Matapos na bumalik ang kanyang paningin, nakabalik na rin siya sakanyang normal na buhay at nagta-trabaho na ngayon bilang isang security guard.### JUMEL DELA ROSA