Patay ang isang lalaki matapos itong saksakin ng sariling ama dahil sa mikropono sa Sitio Pantay, Barangay Ibabang Yuni, Mulanay, Quezon nitong Miyerkules, Abril 26.
Kinilala ang biktima na Reynante Tolda, 27-anyos na magsasaka at residente ng naturang lugar.
Ayon sa report, nag-iinuman umano noon ang mag-ama at kumakanta sa videoke sa kanilang bahay nang maganap ang insidente.
Dala ng kalasingan, nag-agawan ang dalawa para mahawakan ang mikropono para kantahin ang “Kung sakaling ikaw ay lalayo” na nagresulta naman sa pananaksak ng tatay sa kanyang anak.
Agad na binawian ng buhay ang biktima matapos magtamo ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang ang suspek naman ay tumakas dala ang patalim na ginamit nito.
Kasalukuyan ng nagpapatuloy ang isinasagawang manhunt operation ng mga awtoridad upang madakip ang naturang suspek.