SORSOGON CITY- Dinampot ng mga pulis ang isang lalaki matapos na ipagyabang sa kanyang kainuman ang baril na nakasukbit sa kanyang baywang sa Sitio Barayong, Brgy Poblacion sa bayan ng Baleno, Masbate.
Kinilalla ang suspek na si Ramil Luvedesis Bajar, 44 anyos, walang trabaho at residente ng nasabing lugar.
Batay sa ulat, ang pagkadakip sa suspek ay bunsod ng sumbong ng isang concerned citizen at mga residente sa nasabing lugar hinggil umano sa isang lalaki na hayagang inilabas ang kanyang baril habang nasa kasagsagan ng inuman.
Agad namang pinuntahan ng Baleno Police ang nabanggit na lugar, at habang papalapit ang mga ito sa suspek ay naaninag na ng mga ito ang baril na nakasukbit sa baywang.
Nang kunan ng detalye tungkol sa baril na nasa kanyang pangangalaga, ay bigo itong magpakita ng dokumento.
Nakuha kay Bajar ang isang (1) yunit ng kalibre .45 na pistola na may isang magasin at kargado ng anim (6) na bala.
Ang suspek ay nahaharap na sa kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
