Arestado ang isang lalaki matapos umanong manuntok ng isang jeepney driver sa Barangay Bilogo, Batangas City.
Ayon sa imbestigasyon ng Paharang PCP of Batangas City Police Station (CPS), ang pinag-ugatan ng insidente ay ang dumi ng baboy.
Kinilala ang biktima na si Erwilson Perez, 40 anyos, residente ng Barangay Bilogo, Batangas City habang ang inaresto na suspek ay si Osias Hernandez, 49 anyos at residente rin ng nasabing barangay.
Sa salaysay ng biktima, kinompronta at sinuntok umano siya ng suspek matapos magalit sa umagos na dumi ng baboy malapit sa tinutuluyang kwarto ng kapatid ng suspek.
Napag-alamang nililinis ng biktima ang kanyang pampasaherong jeep at umagos ang dumi malapit sa kwarto ng kapatid ng galit na suspek.
Nagtamo ng minor injury ang biktima matapos siya tinulak at sinuntok sa dibdib.
Agad namang isinugod sa Batangas Medical Center ang biktima para magamot.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng nasabing presinto ang suspek at maaaring kaharapin ang kasong Physical injury.