CAMARINES NORTE – Nahuli ang labinlimang katao sa Bayan ng Capalonga sa probinsya ng Camarines Norte dahilan sa iligal nitong mga aktibidad sa pangingisda.
Ayon sa Capalonga MPS, naaresto ang mga nabanggit na personahe sa kalagitnaan ng pagsasagawa nila ng Seaborne Patrol at Anti-Illegal Fishing Operation sa karagatan na sakop ng bayan ng Capalonga kung saan kasama ng kapulisan ang mga tauhan ng Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC).
Anim sa mga mangingisda ang naaresto dakong 10:30 ng umaga na kinabibilangan nina alyas “Jun” 35 anyos, alias “Tony”, 50 anyos, “AL”, 35 anyos, alias “Jay”, 37 anyos, alias “SID”, 56 anyos, at si alias “Mel”, 44 anyos na mga residente ng Brgy San Lorenzo, Sta Elena, Camarines Norte. Naaktuhan umano ng mga kapulisan ang mga nasabing suspek habang isinasagawa ang mga iligal na aktibidad na kilala sa tawag na “Buli-Buli” sa nasambit na lugar. Nakumpiska rin ng mga kapulisan ang mga nahuling iba’t ibang uri ng isda at “Aboy” at mga pinong lambat.
Trenta minutos lang ang nakalipas nang maaresto rin ng mga kapulisan ang siyam na mangingisda na kinilalang sina alias “ELOY”, 34 anyos, alias “JON”, 22 anyos, alias “ROMY”, 28 anyos, alias “RYAN”, 32 anyos, alias “Leo”, 27 anyos, alias “Mel”, 27 anyos, alias “ED”, 28 anyos, alias “DOMING”, 44 anyos at si alias “JO”, 28 anyos na lahat ay residente rin ng Brgy San Lorenzo, Sta Elena, Camarines Norte. Nakumpiska sa mga suspek ang mga kaparehong kagamitan na ginamit sa pagsasagawa ng iligal na pangingisda.
Samantala, ang mga nahuling mangingisda pati na rin ang mga nasamsam na ebidensya ay kasalukuyang nasa himpilan ng Capalonga MPS para sa kaukulang disposisyon.
