La Palma airport sa Spain, muling nagbukas; Pero flights, nanatiling kanselado

Nagbukas muli ang airport sa isla ng Spain na La Palma nitong Linggo, ngunit nanatiling kanselado ang mga flights sa gitna ng nagpapatuloy na pagsabog ng bulkan.

Makikita sa lugar ang pagdaloy ng lava mula sa bulkan at ang pagbubuga nito ng ash clouds na kumalat na sa paligid matapos ang isang linggo na pagsabog.

Sa drone footage naman ng Reuters ay makikita ang pagdaan ng nagbabagang lava sa daan-daang bahay at gusali, na una nang natakpan ng itim na lava na mas mabagal na kumikilos.

Sinabi ng airport operator na Aena na nag bukas na ang paliparan muli matapos ma-clear ang abo mula sa runway nito.

Gayunman, ipinunto ng Binter airline na pananatilihin nitong kanselado ang mga flights dahil sa kondisyon ng lugar.

Nagsimulang pumutok ang Cumbre Vieja Volcano noong September 19, at nitong Biyernes lamang ay sinabi ng mga eksperto na nagkaroon ng panibagong explosive phase ang bulkan.