Ibinunyag ng nakatatandang kapatid ng actress-host na si Kris Aquino, na na-diagnose ito ng dalawa pang autoimmune diseases, simula nang umalis ng Pilipinas papunta sa ibang bansa para magpagamot.
Ayon kay Maria Elana “Ballsy” Aquino sa panayam sa kanya ng non-government organization Banyuhay Aotearoa, si Kris ay nakikipaglaban na ngayon sa apat na autoimmune conditions.
Sa pahayag ng actress-host noong Hunyo, sinabi nitong maghahanap siya ng long-term treatment sa US para sa Eosinophilic Granulomatosis with Polyangiitis (EGPA).
Batay sa naunang paliwanag ni Kris tungkol sa detalye ng kanyang kondisyon, sinabi nitong ayon sa kanyang attending physician, na si Dr. Niño Gavino, isang Filipino-American doctor na naka-base sa Houston, na crucial ang unang 9-12 buwan para sa kanila, kung maaabot ang remission at maipagpapatuloy ang regimen, dahil para maka-survive, kailangang gawin ang anumang kombinasyon na magiging epektibo para kay Aquino, kabilang na ang lifetime maintenance medicine nito.
Sinabi pa ng naturang doktor na kung walang medical intervention overall, ang life expectancy ng mayroong EGPA ay halos 25% lang, pero kapag mayroong proper treatment, nasa 5-year ang survival rate nito sa 62%.
Kaugnay nito, inihayag ni Ballsy, na matapos ang dalawang buwan, patuloy na sinusubukan ni Kris at ng kanyang medical team ang tamang treatment.
