CAMARINES NORTE- Naniniwala ang Commission on Elections na may magagawa ang kongreso para baguhin o dagdagan ang qualifications ng mga tatakbo sa lokal na posisyon partikular sa barangay.
Ayon kay Election Officer III Annelyn Abanes ng Comelec Speaker’s Bureau makakatulong ang mga senador at kongresista sa pamamagitan ng pagpasa ng batas tungkol dito.
Ang Comelec umano ay tagapagpatupad lang ng batas na ginawa o binalangkas ng legislative.
May paalala naman si Abanes kapwa sa may balak kumandidato at mga botante.
Dahil sa pagpapaliban ng Barangay at SK elections sa huling Lunes ng Oktubre 2023 mula sa orihinal na December 2022 schedule, naniniwala si Abanes na mas magkakaroon ng pagkakataon ang mga botante na kilatisin ang mga nagnanais tumakbo sa halalang pambarangay.
Sa mga kandidato, alalay lang umano sa gastos at kung tutuusin nga aniya ay hindi naman talaga kailangang gumastos ng malaki.
Huwag daw sanang sanayin ang mga botante sa pera- perang halalan sa halip ay isipin kung ano ang mga serbisyong dapat nilang ibigay.
“Sa mga kandidato naman huwag naman natin pong sanayin yung mga botante na bigyan ng kung ano- ano, serbisyo po ibigay natin sa kanila kasi hahanapin na lang natin eh, ita- tap na lang natin sa mga tamang departamento, kunin natin dun kasi andun ang pera ni Juan de la Cruz para maging project, “ ani Abanes.
Sa mga botante naman huwag naman daw sanang hingi ng hingi na kahit panghanda sa birthday party ay iniaasa pa sa kandidato.
“Hindi naman kailangang gumastos ng malaki, yan nga po ang pakiusap ko sa mga botante, mga kabarangay natin, kilala natin yang mga tatakbong yan na kung anong kabuhayan lang ng mga yan, Honor at prestige at legacy ang gusto lang nilang gawin, iwanan, magserbisyo sa barangay ano’t hihingan mo pa ng kung ano- ano di ba.”
