LEGAZPI CITY – Isang kongresista sa lalawigan ng Albay ang nagpahayg na wala umanong dahilan upang magbitiw sa pwesto si Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla matapos masangkot ang anak nito sa ilegal na droga.
Ayon kay Albay 1st District Cong. Edcel Lagman, hangga’t hindi nanghihimasok at nang-iimpluwensiya si Remulla sa imbestigasyon at paglilitis sa kaso ng kaniyang anak ay hindi naman kinakailangang bumitiw sa puwesto.
Dagdag pa nito, magkaiba ang kaso kung may cover-up at itinatanggi ang pananagutan sa batas ng isang miyembro ng pamilya kaysa ipinauubaya na litisin at panagutin ito sa pagkakasala.
Sinabi pa ng kongresista, dapat pa ring magpaliwanag ang pamilya ni Remulla kung bakit tumagal pa ng dalawang araw bago naisapubliko ang pagkakaaresto sa anak nito sa kaso ng umano’y importasyon ng hybrid marijuana.
Kung babalikan, sa isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Las Piñas City, nakuhanan ng mga ito ang anak ni Remulla ng P1.3M halagang hybrid marijuana na naging dahilan ng kanyang pagkakaaresto.