LEGAZPI CITY – Ipinaliwanag ni Albay 1st District Rep. Edcel C. Lagman ang kanyang dahilan sa negatibong pagboto para sa House Bill No. 4673 o ang pagpapaliban ng barangay at SK elections na nakatakda sanang isagawa sa buwan ng Disyembre 5 ngayong taon at ang pag-reset nito sa unang Lunes ng Disyembre 2023.
Ayon sa kongresista, ang dahilan ng ilang mambabatas mula sa senado at house of representatives na makakatipid ang gobyerno ng P7 billion hanggang P8 billion kung maililipat ang halalan sa Disyembre ng taong 2023 kung saan ang nakalaang pera ay maaaring magamit pa para sa COVID-19 response ng gobyerno.
Aniya, ang kadahilanang ito ay unconstitutional dahil may fiscal autonomy ang Commission on Elections (COMELEC) kung saan kabilang dito ang pagbabawal ng anumang appropriations na anuman ang ilabas ng poll body ay hindi maaaring kontrahin ng ehekutibo at gamitin sa ibang mga bagay.
Ang nalalabing pondo, aniya, ay patuloy na nakalaan sa ilalim lamang ng hurisdiksyon ng COMELEC.
Dahil dito, kinontra rin ng mambabatas ang argumento na ang pagpapaliban ng halalan ay magbibigay ng oras sa poll body upang makapagpahinga matapos ang pagsasagawa ng national elections noong buwan ng Mayo dahil makailang ulit na rin aniyang sinabi ng COMELEC na nakahanda ito para sa pagsasagawa ng barangay at SK elections.
Giit pa ni Lagman na ang pagsuspinde sa halalan ay bukod sa hadlang ito sa demokratikong pagboto ng mamamayan ay maaring ito ay mas magastos pa.
Maliban pa rito, over-staying na rin ang mga opisyal ng barangay at dapat baguhin ang mga hindi epektibo na kung saan nangangailangang palitan na ang mga ito habang ang mga over-aged youth officials na matagal nang lumampas sa age limit ay dapat magbigay-daan na rin sa mga young blood.
Samantala, muli niyang iginiit na ang kaugalian ng kongreso sa paulit-ulit na pagpapaliban sa barangay at SK elections ay epektibong nagpapalawig sa termino at panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at kabataan na animo’y nagpapatuloy ang mandato ng konstitusyon na ayusin ang termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay.